Sapagkat Hindi Delubyo ang kanyang pangalan

(sa mga sinalanta ng bagyong ondoy)

siya ang alon na naghatid ng sanlaksang putik

at nagpabulwak sa dagat ng ating hinagpis,

pero hindi delubyo ang kanyang pangalan;

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:

mga kalansay na bahay at gumuhong pader,

naghambalang na puno at poste ng kuryente,

nagkalat na damit, laruan, tabla, at yero,

nakabalandrang ref, kompyuter, at kotse;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

walang babala, dumating siyang rumaragasa,

lahat nang mahagip, nilingkis, walang pinili,

naghasik ng takot kahit saang sulok.

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha:

dinggin ang taghoy, masdan ang mga bangkay;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

tawagin natin siyang munting plastik

o latang ipinaanod natin sa tubig-kanal;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

tawagin natin siyang mall at subdibisyon

na kumamkam sa puwang na dapat niyang daluyan,

tawagin natin siyang basurang iniluluwa

ng lokal at dayuhang planta at pagawaan;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

tawagin natin siyang gubat na kinalbo

ng mga magtotrosong nasa senado at konggreso,

tawagin natin siyang bundok na hinalungkat

ng mga kompanyang may basbas ng batas;

hindi delubyo ang kanyang pangalan.

titigang maigi, titigan ang kanyang mukha

at tuntunin ang bukal ng ating mga luha.

Siya ang yamang-bayang ibinubulsa

ng tiwali’t mandarambong na politiko;

kaya tawagin natin siyang kasakiman,

kaya tawagin natin siyang kapabayaan;

sapagkat hindi delubyo ang kanyang pangalan

sinulat ni: Emmanuel V. Dumlao | ipinaskil na may pahintulot ng may akda.

2 thoughts on “Sapagkat Hindi Delubyo ang kanyang pangalan

  1. marami ang nawalan ng tirahan dahil sa bagyo..
    senyales na un na dapat magbago na tayo..hindi lang ang mga tao sa pinas.. kundi sa buong mundo..

    salamat kay Mr.Emmanuel V. Dumlao..
    sa tulang ito..
    at sa iyo greenlover89 para sa pag share..

    ^_^

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s